Sa Bibliya kinuha ang istorya ni Harry Potter.
Maraming magagaling na manunulat. Marami. May manunulat ng nobela, manunulat ng column sa dyaryo, manunulat ng mga script sa TV at pelikula. Marami ring magagaling na manunulat ng tula, maikling kwento, talambuhay at iba pang porma ng pagsulat.
Sa pagdaan ng panahon, iba't iba ang naging epekto sa kasaysayan ng mga manunulat at ng kanilang mga isinulat. Ilan sa mga halimbawa ay ang The Communist Manifesto nina Karl Marx at Friedrich Engels, The Prince ni Niccolò Machiavelli, Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, Harry Potter ni J.K. Rowling, The Origin of the Species ni Charles Darwin, Fight Club ni Chuck Palahniuk, The Time Machine ni H.G. Wells at iba pang mga libro at publikasyon.
Ang ilan sa mga nabanggit na publikasyon ay nakilala dahil sa galing ng pagkakasulat rito kung ang pagbabatayan ay ang literary craftsmanship. Ang ilan naman ay dahil sa epektong naidulot sa politikal o siyentipikal na hubog ng isang bansa o ng buong mundo.
Lahat ng nagsusulat, sa tingin ko, ay nagsusulat upang may iparating na mensahe sa mambabasa. Kahit ang isinusulat ng isang tao ay tungkol sa kanyang sarili, ang nasa isip niya marahil ay kung ano ang magiging reaksyon ng makababasa rito. Karamihan rin siguro sa mga manunulat ay naghahangad ng pagbabago. May mga nagsusulat rin sapagkat na-inspire sila ng ilang magagaling na manunulat, at gusto nila na makapag-publish ng libro at sumikat. May mga karaniwang tao rin na nagsusulat, na gustong marinig ng ibang tao ang kanilang mga pananaw, maghatid ng mga obserbasyon at mga pagmumuni-muni na sa tingin nila ay maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang mambabasa upang gumawa ang mga ito ng aksyon na makatutulong upang makamit ang isang layunin.
May mga nagsusulat rin upang magkaroon ng textmate, at nagsusulat ng ganito sa likod ng pintuan ng mga CR: "Wanted txt mate 09063763287" o kaya ay gustong mag-advertise
ng isang website: "http://curiosityandtruth.blogspot.com" o kaya naman ay wala lang: "Tumae ako dito at lusaw ang tae ko". (Yaaakkkk.)
Anuman ang dahilan ng mga manunulat sa kanilang pagsulat, karamihan sa kanila ay nakikilala dahil sa kakaibang istilo ng kanilang pagsulat o dahil sa kakaibang nilalaman ng kanilang mga isinusulat.
O, medyo mahaba-haba na ang nababasa mo ah, na-bobored ka na ba? Siguro iniisip mo, "anong klaseng blog ba 'to, boring at saka trying to be funny at times, tapos preachy pa at kala mo kung sinong paksherts na alam ang mga bagay bagay. At saka, ano ba ang mapapala ko sa pagbabasa ko nito?" Pero kung hindi ka pa bored, at kung hindi ka pa sawa sa mga side comments ko, read on. Hehehe.
Medyo natalakay na natin kung bakit nagsusulat ang ilang manunulat. Ngayon naman, bakit nagbabasa ang tao? Kung ang sagot mo ay para makaligo o kaya ay para wet look, mali.
Nagbabasa ka siguro dahil may hinahanap ka. O dahil may natagpuan ka at gusto mo pang makatagpo ng mas marami. Siguro ay nagbabasa ka ng "Bibliya" para mas makatagpo ng ispiritwal na kayamanan. Ng "Advanced Calculus for College Students" upang makapasa sa exam sa Math. O kaya naman ay ng "The Da Vinci Code" para makasunod sa uso, o kaya ay dahil na-intriga ka sa mga sabi-sabi at balita na maganda raw ito, maaksyon at kontrobersyal talaga. Maraming dahilan kung bakit tayo nagbabasa: upang matuto, makaalam, maaliw, maliwanagan at iba pa.
Punlang nakalagay sa papel o computer monitor galing sa isang database server. Itatanim sa utak o puso. Ang ilan ay tutubo, yayabong, mamumulaklak at makalilikha ulit ng iba pang mga punla. Ang iba, kahit nakatanim na sa utak ay hindi pa rin tutubo.
Manunulat. Mambabasa.
Maraming magagaling na manunulat. Marami rin bang magagaling na mambabasa?
Paano nagkakabisa ang isinulat? Kapag ito siguro ay nabasa. Kapag naipaabot sa mambabasa ang ibig nitong ipaabot. Kapag naintindihan. Maaaring pantasya o pabula ang isinulat, subalit ang isang magaling na mambabasa ay nakahahawak sa tabing na kumukubli sa tunay na kahulugan ng kasulatan at madali niyang naihahagis ang tabing upang makita ang katotohan.
Karamihan kasi sa mga makabuluhang kasulatan ay hindi tahasan ang pagkasulat. Bakit? Bakit hindi na lamang sabihin ng mga manunulat nang tahasan ang kanilang mga mensahe?
Yung walang paligoy-ligoy, yung walang halong kawirduhan, parang balita? Bakit nga ba?
Siguro dahil ang mga bagay na karaniwan at laging nandiyan ay madaling naisantatabi. Ang mga bagay ay hinahanap lamang kung hindi na nakikita. Kaya siguro ang mga kahulugan na makabuluhan ay itinatago rin sa mga kasulatan, upang mahanap, upang matagpuan, matitigan at mapag-isipan ang kabuuan nito at hindi magsilbing parang mga sasakyan lamang na dumadaan sa paningin o mga dahong tuyot na winawalis sa daan.
Minsan, magsusulat ako sa likod ng pintuan ng isang CR:
"Sa Bibliya kinuha ang istorya ni Harry Potter."